04/12/2025
Nang pumutok ang balita na ang gobyerno ng Hong Kong ay magbibigay ng tulong na humigit-kumulang 6 milyong piso sa mga pamilya ng mga Domestic Helpers na biktima ng sunog, muling bumaha sa mga comment section ang katagang "Sana All" ng mga Pinoy.
Maraming nadismaya at napatanong "Ano yon gusto nyo ding masunog para magkapera ang pamilya nyo?"
Ngunit kung v ating pag-iisipang mabuti at unawain ang nilalaman ng puso ng isang Pilipino, maaring noong napa "Sana All"sila ay HINDI sila naghahangad na mapabilang sa isang trahedya, Hindi nila hinihiling na masunog at mabayaran ang kanyang kamatayan. Walang sinuman ang magkakagusto ng ganoon.
Noong napa "Sana All" sila ay sumisigaw sila ng pananabik para sa isang sistemang napakaganda. Ito ay pagkamangha at inggit para sa isang gobyerno na tumutugon sa trahedya nang mabilis at sapat.
Naikokompara nila ang karanasan sa ating sariling bansa sa panahon ng trahedya o kalamidad.
Kapag may sakuna sa Pilipinas sunog, bagyo, baha nakikita natin ang ating mga kababayan na halos umaasa sa kabayanihan ng mga boluntaryo, sa kabaitan ng mga pribadong donor, at sa katatagan ng mga pamilya mismo.
Ang tulong ng gobyerno, kapag dumating, madalas na pinupuna dahil sa pagkaantala, kakulangan, o kung minsan tinatago muna sa mga bodega.
Kaya noong makita natin kung paano pahalagahan ng Hongkong ang bawat biktima ng pantay pantay ay mapapa "Sana All" nga naman ang isang Pinoy.
Ang gobyerno ng Hong Kong, sa pagkakataong ito, ay nagpakita ng isang makapangyarihang halimbawa. Isang halimbawa ng pagtrato sa mga biktima nang may dignidad.
Ang "Sana All"ng Pinoy sa pagkakataong ito ay higit pa sa isang meme. Ito ay isang pamantayan.
Ito ay nangangahulugan ng pananabik na sana magaya ng Pilipinas ang gobyerno ng Hongkong.
Nakikipagluksa kami para sa mga biktima ng sunog sa Taipo at umaasa kami na ang mga aksyon ng kanilang pamahalaan ay maging isang halimbawa.
Sana All, talaga.
*Ito ay opinyon ko lamang po at walang personalan