27/02/2026
PEME BILL Nakasalang na sa Kongreso
Ganap na ngang inihain sa kongreso ni Agimat Partylist Representative Bryan Revilla, Chairperson ng Committee on Overseas Workers Affairs (COWA), ang House Bill No. 7788 o PEME for OFWs Act noong Pebrero 12. Ang lehislatibong hakbang na ito na mariin namang sinusuportahan ng grupo ng mga manggagawa na United Filipino Seafarers (UFS) ay naglalayong bigyan ng kalayaan ang mga OFWs, particular na ang mga marino, na pumili ng kanilang pinagkakatiwalaang klinika para sa kanilang Pre-Employment Medical Examination o PEME.
Nakasaad rin dito ang pagbabawal sa pamimilit sa mga OFW na magtungo lamang sa accredited PEME clinics ng kanilang kumpanya. Pagbabawal sa labis-labis na presyo, paulit-ulit o mga di kinakailangang medical tests.
Matatandaang, unang natalakay ang problema sa PEME ng mga OFW particular na ang mga marino noong Mayo ng nakaraang taon. Ito ay nang magpatawag ng pagdinig si Sen. Raffy Tulfo sa Senado, hinggil sa hinaing ng ilang OFWs at seafarers ng panga-abuso mula sa mga medical clinics dahil sa “confirmatory tests”.
Bilang tugon sa nasabing problema ay inatasan ni Sen. Raffy Tulfo ang Department of Migrant Workers (DMW) na aksyunan ito sa lalong madaling panahon. Kaugnay sa direktiba ng nasabing senador ay agad namang nag-anunsyo ang DMW ng free annual medical check-ups para sa mga OFW gamit ang AKSYON FUND. Plano rin ng DMW na magkaroon ng Memorandum of Agreement kasama ng Department of Health (DOH) upang paigtingin ang pagmo-monitor sa mga klinikang nagbibigay ng PEME.
Samantala, kabilang sa mga dumalo sa nasabing pagdinig ay ang Presidente ng United Filipino Seafarers (UFS) na si Ms. Judy Domingo. Kasunod nito ay agad na nagsumite ang UFS ng kanilang posisyon at proposal para sa PEME Bill, na may layuning bigyan ng kalayaan ang mga marino sa pagpili ng klinika para sa kanilang PEME. Na hindi dapat tanggihan ng anumang kumpanya ang Fit-to-Work certificate ng isang marino, kahit pa ito ay hindi galing sa ‘accredited’ clinic ng kanilang kumpanya, basta ang naturang Fit-to-Work certificate ay galing sa DOH-accredited na pasilidad. Ani Domingo ay makakatulong pa ito sa mga marinong nasa malalayong probinsya na hindi na nila kailangang lumuwas pa ng maynila para sa kanilang PEME.
“Bagama’t hindi pa ito pinal, at dadaan pa ito sa mahabang proseso, umaasa kaming sa ilalim ng panukalang batas na ito, magkakaroon na ng kasagutan para sa mga marinong lumalapit sa amin na nagsasabing fit-to-work sila sa isang medical clinic, ngunit dahil lamang sa hindi iyon ang accredited clinic ng kanilang kumpanya ay hindi tinatanggap ang kanilang fit-to-work certificate. Isinusulong po natin sa pagsuporta natin sa panukalang batas na ito, na maprotektahan ang ating mga marino, mula sa panga-abuso at hindi sila maging gatasan ng mga mapang-abusong medical clinics. Lubos po kaming nagpapasalamat kina Cong. Bryan Revilla at Cong. Felimon Espares para sa suporta nila sa ating mga marino sa pamamagitan ng bill na ito,” ito ang pahayag ni UFS President Judy Domingo.
Isa rin sa mga pangunahing nagpakita ng suporta sa bill na ito ay si COOP-NATCCO Partylist Representative Felimon Espares, isa sa mga miyembro ng COWA.
Inaasahang ang hakbang na ito ang magiging solusyon sa matagal ng dinaraing ng mga marino na panga-abuso sa kanila ng mga medical clinics.