08/07/2020
M͟i͟n͟s͟a͟n͟ k͟a͟ n͟a͟ b͟a͟n͟g n͟a͟l͟i͟ga͟w͟?͟
Minsan ka na bang naligaw?
Napadpad sa may patay-sinding ilaw?
Doon kung saan marami ang tumu-tungo, tuma-tambay?
Sa kung saan madalas sabihin na ang gabi ay buhay?
Minsan ka na bang naligaw?
Napadpad doon sa lugar na tila lahat ay nagkuwe-kuwentuhan ng pasigaw?
At sa bawat tugtog naman ay marami ang nakikisabay,
Habang sila’y umiindak, sumasayaw, tinataas ang kanilang mga kamay?
Minsan ka na bang naligaw?
Napadpad doon sa lugar kung saan marami ang naghahanap ng karamay?
Doon sa kung saan mayroon ring naghahanap ng pahinga dahil sa pagod,
mamahinga mula sa araw-araw na pagkakayod?
Minsan ka na bang naligaw?
Kasama ang tropa, bitbit ang maraming kuwento at istorya.
Napadpad doon para magsaya, iwasang gumawa ng masama.
Huwag magpatalo, magpatama sa likido, 'wag magkasala
Minsan ka na bang naligaw?
O sadyang pumunta ka doon?
Para pansamantalang makalimot siguro?
Makatakas, kahit kaunting oras, minuto, segundo
Mag-aliw, kahit saglit lang, dahil minsan nakakapuno,
nakakapagod ang tunay na mundo.
#&