30/09/2025
WAITING SHED FOR A REASON
Hindi lang hintayan ng mga nagpapalipas ng oras o ulan ang isang waiting shed sa Lanao del Sur. Para kay Charliemagne Reyes, naging saksi rin ito sa kaniyang paghihintay na makamit ang pangarap na maging civil engineer.
Sa isang TikTok post, ibinahagi ni Charlie ang dalawang beses na nahagip siya sa Google Map—mula sa simpleng pagdalo ng online class sa lilim ng shed noong 2021 hanggang sa may nakasabit na ritong tarpaulin matapos pumasá sa Civil Engineer Licensure Exam noong 2024.
Kuwento ni Charlie, sa shed siya madalas mag-online class dahil mahina ang signal sa kanilang bahay. Araw-araw, dalawang minuto niyang nilalakad ang daan patungo sa shed at doon gugugulin ang halos ilang oras hanggang matapos ang klase. Nagbunga ang kaniyang pagsisikap nang magtapos ng BS Civil Engineering sa Mindanao State University noong 2023.
Taong 2024 nang maipasá naman niya ang licensure exam. Aniya, sa sobrang pagka-proud ng pamilya ay nagpa-print sila ng tarpaulin at ikinabit ito ng isang kapatid sa shed, na hindi namalayan nina Charlie na nahagip ng street view vehicle ng Google.
Sa ngayon, sisikapin munang makapag-ipon ni Charlie para mapagawa ang kanilang tahanan. Bukod dito, plano rin niyang maipaayos ang waiting shed, na nagsisilbing silungan ng mga residente at napapadaan sa kanilang lugar.
"Kapag nakakapagsalita lang siguro 'yun, hindi mauubusan ng kuwento," ani Charlie. | via Marilag Odtohan, ABS-CBN News
(📸: Charliemagne Reyes)