30/05/2026
ANG MABUTING BALITA AT PAGNINILAY: "Pagiging Sagrado ng Templo"
Mayo 29, 2026.
Paggunita kay San Pablo VI, papa
MABUTING BALITA
Marcos 11, 11-26
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Sa gitna ng pagbubunyi ng mga tao, pumunta si Hesus sa Jerusalem at pumasok sa templo. Pagkatapos tingnan ang lahat ng bagay doon, lumabas siya at nagbalik sa Betania, kasama ang Labindalawa, palibhasa’y gumagabi na noon.
Kinabukasan, nang sila’y pagbalik na mula sa Betania, nagutom si Hesus. Natanaw nito sa di-kalayuan ang isang puno ng igos na madahon. Nilapitan niya ito upang tingnan kung may bunga. Ngunit wala siyang nakita kundi mga dahon, sapagkat hindi pa panahon ng igos noon. Kaya’t sinabi niya sa puno ng igos, “Wala nang makakakain pa ng iyong bunga.” Ito’y narinig ng kanyang mga alagad.
Pagdating nila sa Jerusalem, pumasok sa templo si Hesus. Kanyang ipinagtabuyan ang mga nagbibili at namimili roon at ipinagtaob ang mga mesa ng mga mamamalit ng salapi at ang upuan ng mga nagtitinda ng kalapati. Pinagbawalan niyang magdaan sa loob ng templo ang sinumang may dala-dalahan. At tinuruan niya ang mga tao. Sinabi niya, “Nasusulat, ‘Ang aking bahay ay tatawaging bahay-dalanginan ng lahat ng bansa.’ Ngunit ginawa ninyong pugad ng mga magnanakaw.”
Narinig ito ng mga punong saserdote at ng mga eskriba. Buhat noo’y humanap sila ng paraan upang mapatay si Hesus, sapagkat natatakot sila sa kanya, dahil sa humahanga ang lahat ng tao sa kanyang turo.
Pagdating ng gabi, lumabas na naman ng lungsod si Hesus at ang kanyang mga alagad.
Kinaumagahan, pagdaan nila’y nakita nilang patay na ang puno ng igos. Naalaala ni Pedro ang nangyari at kanyang sinabi kay Hesus, “Guro tingnan ninyo! Namatay ang puno ng igos na sinumpa ninyo.” Sumagot si Hesus, “Manalig kayo sa Diyos. Tandaan ninyo ito: kung sabihin ninuman sa bundok na ito, ‘Umalis ka riyan; tumalon ka sa dagat,’ na hindi siya nag-aalinlangan kundi nananalig na mangyayari ang sinabi niya, ito’y gagawin ng Diyos para sa kanya. Kaya’t sinasabi ko sa inyo, anuman ang hingin ninyo sa panalangin, manalig kayong natanggap na ninyo iyon, at matatanggap nga ninyo. Kapag kayo’y mananalangin, patawarin muna ninyo ang nagkasala sa inyo upang ipatawad din naman sa inyo ng inyong Amang nasa langit ang inyong pagkakasala. Ngunit kung hindi kayo magpatawad, hindi rin naman kayo patatawarin ng iyong Amang nasa langit.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pagninilay:
Mapagpalang Paggunita kay San Pablo VI! Makikita natin sa Ebanghelyo kung paano binaboy ang Templo sa Jerusalem dahil sa halip na ialay ang mga sakripisyo sa Diyos, ito ay ibinenta kapalit ng malaking halaga. Mapapansin din natin sa Ebanghelyo kung paano ibinibenta ng mga tao sa Templo ang kalapati. Ang pagbebenta ng kalapati ay may simbolismo kung saan tila ba mas pinipili ng mga tao na alisin ang Espiritu Santo, na nagpakita sa itsura ng kalapati kay Hesus noong Siya’y bininyagan, sa pamamagitan ng mga mortal na kasalanan para sa mga makamundong bagay at aliw. Ang templo sa Jerusalem ay nagrerepresenta rin sa atin sapagkat tayo ay Templo ng Banal na Espiritu Santo. Kung ang isang tao ay hindi na namumunga sa pananampalataya dulot na siya’y nasa estado ng mortal na kasalanan, siya ay nahihiwalay dahil sa kanyang aksyon sa ating Panginoong Hesus na tunay na puno ng ubas, at ilalagay niya sa peligro ang kanyang kaligtasan tulad ng mga puno na sinusunog kung hindi na ito namumunga. Ang Simbahang Katolika, na siyang Katawan ni Hesus sa “Mystical” na pamamaraan dito sa mundo, ay may misyon upang ipalaganap ang Mabuting Balita para sa kaligtasan nating lahat, at si San Pablo VI ay naging instrumento ng Diyos para sa modernong panahon.
Matapos ang kamatayan ni San Juan XXIII, ang Santo Papa na si Pablo VI ang nagpatuloy sa misyon ng paggabay sa Simbahan sa pamamagitan ng Ikalawang Konseho ng Vatican. Ang layunin nito ay imbitahan ang mundo na maniwala sa Ebanghelyo ni Kristo habang tinatalakay ang mga isyu sa modernong panahon tulad ng modernismo, komunismo, pag-unlad ng ekonomiya, digmaan, kahirapan, at marami pang iba. Si San Pablo VI din ay nakilala sa pagdepensa sa dignidad ng kasal at ng kahalagahan ng pagiging bukas sa buhay bilang ekspresyon ng sagradong pakikipagtalik sa encyclical na “Humanae Vitae,” kahit na ito ay naging dahilan para makatanggap siya ng maraming kritisismo sa mundo mula sa mga sumusuporta ng kontrasepsyon, kahit na ito ay nagdudulot ng pagturing sa mga tao, lalo na sa mga babae, bilang mga bagay o “objectification.” Tulad ng prediksyon ni San Pablo VI, ang pagsulong ng kontrasepsyon ay nagdulot ng mas mataas na bilang ng nasisirang pamilya, pagbaba ng moralidad, kawalan ng respeto sa dignidad ng babae, at maling paniniwala na ang mga tao ang may-ari ng kanilang katawan na maaari nilang gawin ang kahit ano. Sa kabila ng mga kritisismo at pag-atake na kanyang natanggap, siya ang pinili ng Diyos na instrumento upang maipakita sa mundo ang kaligtasan na matatagpuan sa ating Panginoong Hesus.
Sa panahon ng kalituhan sa mundo ngayon, sana ay maging inspirasyon sa atin si San Pablo VI upang palalimin natin ang ating pagkaunawa sa turo ng Simbahang Katolika. Marami na rin ang iba’t ibang Catholic resources na makakatulong sa mga taong bukas sa katotohanan tulad ng “Catholic Answers” at ang mga page tulad ng aming at marami pang iba. Sa pagpapalalim ng ating pag-unawa sa turo ng Simbahan, tayo rin ay magiging instrumento sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita na makakatulong sa kaligtasan ng mga tao. Tayo rin ay pinapaalalahanan ni Kristo na hindi kalimutan ang kahalagahan ng panalangin sa ating buhay dahil ang mga taong nakakagawa ng mortal na kasalanan ay siyang hindi nagdarasal at nagpupursige na labanan ang mga tukso o umiwas sa mga temptasyon. Ito ang dahilan kung bakit sinabi ng ating Panginoon, “Kaya’t sinasabi ko sa inyo, anuman ang hingin ninyo sa panalangin, manalig kayong natanggap na ninyo iyon, at matatanggap nga ninyo.” Ang ibig Niyang sabihin ay manalangin tayo para sa grasya na ating matatanggap sa Diyos upang tayo ay magpursige sa kabanalan at malabanan ang tukso ng demonyo.
Tayo ay pinapalakas din ng Diyos kung tayo ay nagiging disiplinado rin sa ating oras ng panalangin tulad ng pagdarasal ng Angelus ng 6:00 am, 12:00 noon, at 6:00 pm, kasama na rin ang Divine Mercy Prayer sa 3:00 pm. Simple lang ang mga ito at hindi matagal, ngunit ang simpleng panalangin na patuloy nating ginagawa ay nagpapalakas sa atin laban sa mga tukso ng demonyo. Kung mas pinipili ng iba ang aliw kaysa sa pagdarasal, paano nila malalabanan ang mga mas malalakas na temptasyon, lalo na sa panahon na hindi bukas sa grasya ang isang tao? Kung ang ilan naman sa atin ay nasa estado ng mortal na kasalanan, ninanais ng ating Panginoon na tayo ay lumapit sa Kanyang habag at awa sa sakramento ng kumpisal upang maligtas ang ating kaluluwa. Nawa’y mamunga ang ating pananampalataya upang tayo ay maging handa na makita ang Panginoon bilang ating Tagapagligtas matapos ang ating kamatayan. Amen. +
Pagninilay ni: CJTH
Pagbasa: Awit at Papuri Communications