09/01/2026
Kainin mo ako—mula laman hanggang buto, mula utak hanggang puso; o kaya'y sunugin mo ako hanggang ang matira na lang sa akin ay abo.
Gamitin mong palamuti ang mga ngipin ko. Gawin mong alahas at isabit mo sa ‘yong leeg o braso. Hayaan mong protektahan kita—gawin mong patalim ang mga buto ko. Gawin mong balisong o kaya'y pamalo sa masasamang tao.
Hayaan mong makatulong ako sa pagpapakadalubhasa mo, angkinin mo lahat ng paraan na minsan kong ginamit sa pag-aaral ko. May ilang epektibo, may iba ring hindi aakma sa istilo mo. Pero kung may makikita kang kapaki-pakinabang kahit isa lang, masaya na ako.
Pwede ka ring matuto mula sa puso ko. Iwasan mong magkape nang limang beses sa isang araw para humimbing ang tulog mo. Lumayo ka sa mga naninigarilyo para hindi mapuno ng usok ang baga mo't mas malayo ang marating mo sa pagtakbo.
Kahit anong gawin mo, magkaroon lang ako ng silbi sa ‘yo; kahit ano, maging bahagi lang ako ng mundo mo. Kahit katiting lang na atensyon basta't galing sa ‘yo, hindi ako magrereklamo.
Hindi ka man akin, iyong-iyo naman ako. Bibitawan ko lahat mahawakan lang ang mga kamay mo. Isusuko ko lahat ng mayroon ako para makasama ka ng isa pang araw at baguhin ang takbo ng mundo.
Mawala man lahat ng mayroon ako, hindi ako magsisisi kung mababalot ulit ako sa pag-ibig mo. Kung paano ako namuhay na walang ibang hinangad kundi paglingap mo, pipikit din akong umaasang naghihintay ka sa kabilang dulo.
At kapag umabot na sa puso ko ang mga uod na kumakain ng laman ng tao, madarama nila sa bawat kagat ang pag-ibig na buong buhay kong inilaan sa ’yo; mapagtatanto nilang ang utak ko’y nananatiling punô ng alaala mo.
Aalis sila't lilibutin ang buong mundo para hanapin ang kaisa-isang yamang hindi nila mahahanap kahit saan—ang pag-ibig mo.
Kung kanibalismo ang pag-ibig, hindi ako magdadalawang-isip na magpalamon nang buo sa ‘yo.
Inspired by: "Pag-Ibig ay Kanibalismo II" by
Follow me on:
Facebook: https://www.facebook.com/ez.snaps1
Instagram:
https://www.instagram.com/ez.snaps_/