23/02/2023
TUKLASIN ANG KWENTO SA LIKOD NG KWADRADONG SILID NA TINATAWAG NA “TORTURE ROOM”
Ang mga lumang bagay ay nagtataglay ng iba’t ibang kwento. Ang mga makasaysayang lugar ay sumisigaw ng nakaraan. Ang bawat gusali’y may tinatagong istorya higit sa mga haka haka at imahinsayon ng mga nakakakita. Narito ang isang larawan ng makasaysayang silid na matatagpuan sa Balanga Elementary School sa lungsod ng Balanga-- ang torture room.
Ang torture room ay sinasabing dating palikuran ng mga babae na itinayo noong 1932 at kalauna’y naging silid ng pagpapahirap sa mga sundalong Pilipino, Amerikano at maging mga sibilyan. Ayon kay Cervantes, isang volunteer tour guide ngayon sa World War II Museum, maraming mga sundalo ang nakulong rito. Itinatali umano sila sa puno ng mangga na matatagpuan sa harap nito bago sila tuluyang pahirapan sa naturang silid.
Sa ngayon, marami na itong kwento ng kababalaghan at mga di maipaliwanag na mga kaganapan. Ngunit walang makakapagpatunay ng mga ito. Sa unang tingin rito, parang ordinaryong bahay na hindi kalakihan, kulay puti at tanging pinto, hagdan at maliit na bintana lamang ang makikita mula sa labas. Kung ito naman ay sisilipin sa loob, isang lababo at mga kalat ang makikita. Para sa ibang tao, kababalaghan ang tanging mahihinuha rito ngunit napagalaman ng aming grupo na mayroon itong natatagong kwento. Kwento ng kahirapan na kalauna’y tititingnan natin bilang makabuluhang kasaysayan.
Mahalagang matuklasan ang totoong pangyayari nang hindi tayo nabibilanggo sa mga imahinsayong nabubuo sa ating mga isipan. Mapanganib ang isip, nagagawa nitong bumuhay ng mga nawala ngunit mas tuso ang kasaysayan, napapanitili nitong buhay ang bawat istorya na matagal nang naganap.
Source: https://www.manilatimes.net/mango-tree-toilet-horrors-of-war/254953/