21/05/2026
Updates sa Bulawan Falls Opening
May 20, 2026
Kasunod ng inter-agency consultative meeting na ginanap sa Kongreso noong May 18, 2026, ang LGU Dinalungan, kasama si PENRO Alfred Collado, CENRO Ariel Mendoza, at mga kinatawan mula sa Environmental Management Bureau (EMB) ng DENR, ay nagsagawa ng teknikal na pagbisita kaugnay ng aplikasyon ng LGU para sa Sustainable Forest Land Management Agreement (SFLMA).
Isinagawa ng grupo ang ocular inspection sa Bulawan Falls upang matukoy at mapagtibay ang mga partikular na points at lawak na isasama sa planong saklaw ng SFLMA. Ang nasabing aktibidad ay isa sa mga pangunahing requisites para sa nakatakdang pagbubukas ng Bulawan Falls sa publiko, na layuning matiyak na ang lahat ng lugar ay maayos na nadedelineate, nasusuri, at napapamahalaan alinsunod sa mga pamantayang pangkalikasan.
Tiniyak ng ating Punong Bayan Arvee A. Vargas na ang LGU Dinalungan ay mahigpit na susunod sa lahat ng mga alituntunin at regulasyong ipinatutupad ng Department of Environment and Natural Resources (DENR). Binigyang-diin niya na ang lahat ng hakbang at desisyon ay isasagawa nang naaayon sa batas at mga patakarang pangkalikasan, kasabay ng patuloy na pagpapatibay ng ugnayan at pakikipagtulungan sa lahat ng mga kaugnay na ahensya.
Sa patuloy na hakbangin, muling pinagtitibay ng LGU Dinalungan ang kanilang layunin para sa responsable at napapanatiling pagpapaunlad ng eco-tourism, na may layuning mapangalagaan ang Bulawan Falls para sa kasalukuyan at susunod na henerasyon.
Reposted from LGU Dinalungan Aurora🏬