04/01/2024
Huy! Remind ko lang kayo.
Malungkot ka kasi kakaunti lang ang handa niyo noong nakaraang Nochebuena at Medianoche;
Naiinggit ka kasi buti pa 'yong bunso niyo, may isang libo galing sa ninong niya;
Naiinis ka kasi ang mura lang ng ibinigay sayong regalo;
O nagdaramdam ka kasi malapit na naman ang pasukan?
Minsan, sumagi ba sa isip mo ang ibang tao? Kung yung crush mo yung iniisip mo, hindi yan ang ibig kong sabihin.
Sumagi ba sa isip mo kung papaano nagdiriwang ang mga ibang tao katulad ng mga nakikita mong larawan ngayon ng kanilang pasko at bagong taon?
Nasubukan mo na bang makipag usap sa mga katulad nila?
Naitanong mo na ba kung papaano sila nabubuhay sa araw araw? O kung saan sila kumukuha ng pagkain nila?
Hindi ba kayo nagtataka kung paanong marunong silang magbasa at magbilang kahit papaano?
Mga pangkaraniwang tanong na may inaaasahang sagot, pero malaki ang epekto kung ikaw mismo ang magtatanong.
Sila ang mga Agta o dumagat galing sa Sitio Tupa, San Pablo, Isabela. Marami pang katulad nila, pero nais kong ibahagi ang mga napagtanto ko noong minsang nagpunta kami sa lugar nila upang maghatid ng kaunting tulong.
Uunahan ko na, ang mga susunod niyong mababasa ay ang mga bagay na sarili kong obserbasyon at napakinggan galing mismo sa kanila.
"Ana lutlutwem nong?" tanong ko sa isang lalaki na medyo may katandaan na.
"Payless maam" sagot niya.
"Ading adda asin yu?" biro kong tanong sa mga dalaga na naroon sa isang bahay. Sabay dagdag "kami rin" (alam kong medyo nakakainsulto pero hindi yun ang point ko. Wag niyo ako ibash)
Hindi niya ako sinagot, bagkus pumasok niya sa loob ng bahay nila at maya maya pa'y lumabas ang nanay nila, hawak hawak ang garapon na may lamang asin "adda asin mi ma'am" nakangiti niyang alok sa akin.
"Masaya ka sa laruan mo?" tanong ko sa isang batang agta na naroon
"Opo ma'am" sagot niya na nakabungisngis pa.
Habang kinukuhanan ko sila ng mga litrato, narinig ko ang sinabi ni ate Mary Jane sa mga kasama ko.
Sabi niya "Iisa lang ang classroom dito pero wala silang g**o kaya ako nalang ang nagtuturo sa kanila sir" may iba pa silang pinag uusapan pero, hindi ko na narinig.
At syempre, hinding hindi ko makakalimutan ang isang bata na taga roon na ubod sa kabibuhan sapagkat lahat kami ay kaniyang napatawa sa mga kilos at galaw niya. Go na go kumbaga.
Gusto kong magreflect kayo sa mga simpleng usapan na yan.
Hindi na bago, pero,
Huy! remind ko lang kayo.