03/04/2024
HOLY WEEK 2024 | Caridad - A Pinoy Lenten Season Tradition
|| Take time to read ||
Kung ang panata niyo'y visita iglesia o alay-lakad, sa kanila naman ay caridad.
Naging panata na at tradisyon na ng mga Pilipino tuwing Biyernes Santo na maglabas ng mga pagkain o meryenda sa kanilang mga bahay at bigyan ang mga taong dumadaan sa kanilang lugar. Ikaw man ay deboto, nagvi-visita iglesia, gumagala o talagang napadaan ka lamang sa lugar nila.
Ang salitang karidad ay mula sa salitang Espanyol na 'caridad' na nangangahulugang charity o kawanggawa
Nakakatuwang masaksihan muli ito ng personal dahil ang pagkakawanggawa na ito ay hindi pumipili ng edad, kulay, nasyunalidad, at relihiyon o paniniwala ng isang indbidwal. Maging sino o ano ka man, libreng-libre at pwedeng-pwede kang kumuha sa mga caridad na ito.
At dahil tayo'y mga Pilipino, may taglay na natural na diskarte, hindi na mawawala at hindi na bago sa atin ang diskarte ng ilan nating mga kababayan. May mga ilan na ginagawa itong oportunidad para chumibog at makapag "sharon" ng mga meryenda sa kanilang mga bahay na talaga namang nakakatuwang makita. Minan pa nga'y makikita mo ang mga bata na nagkakandaugaga dahil sa dami ng kanilang mga nakuha at inikutang mga caridad. Ayos lang naman ito basta ito'y iyong uubusin.
May mga ilan din na mga nagiikot at gumagala talaga para maghanap ng caridad sa kanilang lugar. Buti na lamang sa pinuntahan ko sa Las Pinas noong Biyernes Santo ay kaliwa't-kanan ang mga caridad. Ikaw mismo ang susuko sa mga ito. Naalala ko nga na sila na mismo ang nagtatawag sa mga tao para kumuha ng karidad—at isa rin ako sa mga nahatak nila. Siyempre naman at hindi ko na pinalagpas ang pagkakataong ito at kumuha na rin ng meryenda ko, kasabay sa pagkuha ng mga litrato.
Napakasarap ng mga pagkain sa caridad ngayong taon. Siyempre hindi mawawala ang mga 'classics' gaya ng ginataang bilo-bilo, lugaw, sopas, at champorado. May mga pagkain rin na kakaiba at matatawag na "rare" tuwing caridad gaya ng mga takoyaki, juice (gulaman, pandan, chococolate, iced tea, etc.), pancake, japanesse cake, pansit bihon, pansit canton, spaghetti, sandwich, salad, sotanghon, mami, at marami pang iba. Dito talaga ay uuwi kang busog na busog, may pasobra pa!
Habang nagmamasid at nagninilay-nilay, aking napagtanto na gaya ng ganap tuwing pasko, sa okasyong ito, tayo ay pinagbuklod dahil kay Kristo. Nakikita natin ang pagtulong at pagpapakain ng isa sa kanyang kapwa. ang pagmamahal ay nangingibabaw. Gaya rin ng pagpapakain ni Hesus sa limang-libo, atin ding busugin at tulungan ang kapwa natin gamit ang mga sari-sarili nating mga kapamamaraan. Tayo ay biniyayaan upang maging biyaya sa iba.
Ngayo'y wala na tayo sa panahon ng kuwaresma, ating isabuhay at pagnilayan ang mga aral na ating nalaman sa panahon ng kuwaresma at ipagpatuloy ang pagkakawanggawa kahit na walang espesyal na okasyon. Tayo nawa'y huwag maging parang mga prutas na seasonal—na kalauna'y nabubulok rin. Tayo'y huwag maging mapagpanggap, bagkus ay magpakatotoo at magbago.
Ikaw ba, isa ka bang prutas?
|| P.S. Special thanks po sa mga nasa picture for letting me to take a photo of them and feature them on the page. Also of course, a big thanks for the delicious foods keeping the tradition alive.