31/12/2020
MAGANDANG BALITA NGAYON - DAKILANG KAPISTAHAN NI MARIA, INA NG DIYOS
LUKAS 2:16-21 Noong panahong iyon: Nagmamadali ang mga pastol na lumakad patungong Bethlehem at nakita nila sina Maria at Jose, at ang sanggol na nakahiga sa sabsaban. Kaya't isinaysay nila ang mga sinabi ng anghel tungkol sa sanggol na ito; at nagtaka ang lahat ng nakarinig sa sinabi ng mga pastol. Natanim sa isip ni Maria ang mga bagay na ito at kanyang pinagbulay-bulay. Umalis ang mga pastol na nagpupuri sa Diyos at nagpapahayag ng kanyang kadakilaan dahil sa lahat ng narinig nila at nakita na ayon sa ibinalita sa kanila ng anghel.
Pagdating ng ikawalong araw ay tinuli ang bata at pinangalanang Hesus - ang pangalang ibinigay ng anghel bago sa siya ipinaglihi.
MAGNILAY: Ngayo'y dakilang kapistahan ni Maria bilang Ina ng Diyos. Ina siya ng Diyos hindi dahil siya ang pinagmulan ng Diyos. Ang Diyos ang pinagmulan ng lahat. Ngunit si Maria ay Ina ng Diyos dahil dinala niya sa kanyang sinapupunan si Hesus na Diyos. Nang maging tao hindi nahiwalay ang kanyang pagka-Diyos. Si Hesus na kanyang dinala ay totoong Diyos at totoo rin namang tao. Sa pagdadala ni Maria kay Hesus na Diyos inihatid niya sa mundo ang kanyang pag-ibig at pagliligtas.
Tagapagdala rin tayo ni Hesus sa mundo. Una, tagapagdala tayo ng kanyang salita. Hatid natin ang mga salita niyang lakas at buhay natin. Ang salita niya ay mensahe ng pag-asa. Pangalawa, tagapagdala tayo ng pagdamay ni Hesus sa mga nagdurusa. Taglay natin ang kanyang mga sugat na tanda ng kanyang pakikiisa sa lahat may dinadala sa buhay. Hatid natin ay kagalingan at paghilom dulot ng kanyang sakripisyo. At pangatlo, tagapagdala tayo ng kanyang pag-ibig. Hatid natin ang init ng kanyang pagkalinga at sigasig sa pagsisilbi lalo para sa katubusan at kaligtasan ng mundo.
Ngayong Bagong Taon dalhin natin si Hesus sa ating mga puso. Ihatid natin ang liwanag ng kanyang pagmamahal lalo't nababalot tayo ng dilim ng takot at pangamba. Ang panalangin ni Maria na Ina ng Diyos at ina rin natin ang baon natin sa pagsisimula natin ng Bagong Taon.
MANALANGIN: Panginoon, gawin mong ang aming mga puso ay maging sisidlan ng iyong pag-ibig.
GAWIN: Maging tagapagdala at tagapaghatid ng pag-ibig Diyos sa lahat ng araw ng bagong taon.