09/04/2026
𝐅𝐄𝐀𝐓𝐔𝐑𝐄 || Sa Manlulupig, 'Di Pasisiil
— 𝘈𝘪𝘳𝘢 𝘐𝘴𝘢𝘣𝘦𝘭 𝘈𝘭𝘵𝘢𝘳𝘦
Ipinagdiriwang tuwing ika-9 ng Abril sa buong bansa ang Araw ng Kagitingan (Day of Valor) bilang pag-alala at pagpapahalaga sa mga sakripisyo, katapangan, at katatagan ng mga sundalong Pilipino at Amerikano na tumindig sa pagtuligsa laban sa mga Sundalong Hapones noong ikalawang digmaang pandaigdig (World War II). Bukod sa mga Sundalong nasawi, inaalala din dito kung paanong nagsakripisyo ang mga mamamayan sa panahon na iyon kapalit ng kanilang karapatan, soberanya at ang kapayapaan ng bansa, walumpu't-isang (81) taon na ang nakakalipas.
Nagsimula ang lahat noong ika-9 ng Abril, taong 1942 noong ang lugar ng Bataan ay sinakop ng mga sundalong Hapones. Hindi nagpadaig ang mga Pilipino at Amerikanong sundalo kahit na pagod na ang mga ito. Sa kabila man ng katapangan na kanilang pinakita sa pakikipaglaban, sa loob lamang ng ilang buwan ay napilitan nang sumuko na ang mga ito bagama't mas marami ang puwersa ng mga Hapon ay natalo sa laban ang mga Pilipino at Amerikanong sundalo. Hindi nagtagal ay nangyari ang karumaldumal na Bataan Death March mula sa Bagac at Mariveles hanggang sa Camp O'Donnell sa San Fernando, Bataan kung saan ay halos 78,000 na mga bilanggo ang nagtiis ng matinding pang-aabuso, pang-aalipusta, gutom, pagkauhaw, at pagkapagod na ikinamatay ng halos 7,000 hanggang sa 10,000 na mga bilanggo. Sa kabila man ng kaawa-awang kalagayan ng mga sundalong nagbuwis ng kanilang buhay, hindi naman maipagkakaila ang kanilang katapangan na ngayon ay naging simbolo na sumasalamin sa ating pagiging matatag at pagiging makabayan.
Halos tatlong taong sinakop ng bansang Japan ang Pilipinas. Sa ilalim ng pananakop nito ay nagtatag ng panibagong pamahalaan (na mas kilala bilang Puppet State) sa pamamahala ni Jose P. Laurel— ang ikalawang presidente ng Republika ng Pilipinas. Sa mga taong nagdaan, pati ang mga bata, matatanda, mga gay men, at mga kababaihan ay hindi rin nakaligtas sa karumaldumal na sinapit ng Pilipinas sa kamay ng mga Hapones. Mahigit ilang libong Pilipino ang sapilitang kinuha at isinilid sa piitan upang gawing parausan ng mga sundalong Hapones noong panahon ng pananakop. Dahil sa karumaldumal na sinapit sa kamay ng mga Hapones, naisipang mag-aklas ng mga Pilipino at matagumpay na sumuko at mapalayas sa Pilipinas ang mga Hapones.
Gayunpaman ay hindi lang mga sundalo ang nagpakita ng pagiging magiting. Kahit ang mga mamamayang Pilipino noon ay pasan din ang bigat na dulot ng karahasan at pagdanak ng dugo dahil sa giyera. Nagkaroon ng bayanihan sa pagitan ng mga sundalo at ordinaryong mamamayan noon sa pamamagitan ng pagtatago at pagprotekta sa mga sundalo— gayundin ang pagsasakripisyo at pagbuwis ng kanilang buhay para suportahan ang mga sundalong pilit na lumalaban para sa paglaya sa kamay ng mga mapagmalupit na mga Hapones na sumasalamin sa parehong diwa na mayroon ang mga sundalo— ang pagiging matatag sa kabila ng kanilang sitwasyon.
Ngayong taon, sa muli nating pagpupugay sa Araw ng Kagitingan, nawa'y maalala natin ang kagitingan at kabayanihan ng sundalong nakipaglaban noon para sa ating kalayaan at maisip natin na bagama't libre ang kalayaan ay hindi ito agad madaling makuha. Ito ay binuo at ipinundar mula sa sakripisyo hindi lamang ng mga sundalong nakipaglaban, kundi pati rin ng mga ordinaryong mamamayan na nagpamalas ng katatagan, katapangan, at nagbuwis ng buhay para sa soberanya ng bansa, kasama na rin ang mga kuwento ng mga Pilipino at Amerikanong Sundalo na nagpapaalala satin na ang kagitingan ay hindi lamang tungkol sa pakikipaglaban— ito ay tungkol din sa pagtulong, pagtitiis, at pagtitiwala sa bawat isa.
Sa pag-alala natin sa mga nasawi noong ikalawang digmaang pandaigdig, nawa'y maging tanda ito ng kanilang pamana— na mabuhay at tumindig tayo ng may tapang at dignidad, at higit sa lahat, patunayan sa lahat na tayo, bilang isang bansa ay di kailanman pasisiil o mapapasuko agad kahit ano pa mang problema o krisis ang dumating.
Dahil sabi nga sa isang linya ng ating pambansang awit— "𝙎𝙖 𝙈𝙖𝙣𝙡𝙪𝙡𝙪𝙥𝙞𝙜, '𝘿𝙞 𝙠𝙖 𝙋𝙖𝙨𝙞𝙨𝙞𝙞𝙡."