25/07/2026
MARCOS JR., PALALAWAKIN ANG SUPORTA SA MAHIHIRAP AT ANIYA’Y MALAPIT NANG MAGING MAHIRAP
Sa mga mahirap at malapit nang maging mahirap, may good news ang Pangulo. Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapalawak ng ayuda ng pamahalaan para sa milyun-milyong Pilipinong kabilang sa mahihirap, malapit nang maging mahirap at mga manggagawang may mababang kita sa ilalim ng UPLIFT program.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Marcos:
“Palalawakin din natin ang ating suporta para sa dalawa’t kalahating milyong mahihirap at iyong malapit nang maging mahirap na kabahayan na natukoy sa 2024 Community-Based Monitoring System o CBMS, gayundin ang isa’t kalahating milyong manggagawa at kanilang mga pamilya na may mababang kita na nakumpirma sa talaan ng Social Security System.”
“Sila’y makatatanggap ng dalawang libong piso kada buwan simula ngayong Hulyo hanggang sa Disyembre. Layunin ng UPLIFT Assistance na mapangalagaan ang kakayahan ng mga pamilyang Pilipino na matustusan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.”
Bukod dito, inanunsyo rin ng Pangulo na ang 3.5 milyong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at Walang Gutom Program ay tatanggap ng one-time na P2,000 cash assistance.
Samantala, ang 2.5 milyong poor at near-poor households na natukoy sa 2024 Community-Based Monitoring System (CBMS) at 1.5 milyong low-income workers at kanilang mga pamilya na nakatala sa Social Security System (SSS) ay makatatanggap ng P2,000 kada buwan mula Hulyo hanggang Disyembre.
Sa kabuuan, tinatayang 7.5 milyong kabahayan, o humigit-kumulang 37.5 milyong Pilipino, ang inaasahang makikinabang sa programa, na layong maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis at iba pang pangunahing bilihin dulot ng tensiyon sa Gitnang Silangan.