15/02/2023
The unspoken riddles of Ruizians
confession #31
Ang lantang bahaghari
Paano na ako kapag ang bahaghari ay naubusan na ng kulay at ganda?
Sa iyong sariling pananaw, kailan mo masasabing ika’y umiibig?
Tulad ng isang normal na tao ako’y nagmamahal rin. Pagmamahal na hindi lamang para sa isa, kung hindi pagmamahal para sa marami. Nang sinubukang magmahal ng isa, ako ay napagod, ngunit gagawin ang lahat para sa ikakasaya ng marami. Matututo pa kaya akong magmahal ng isa kung ang hanap-hanap ng aking puso ay sila?
“PAANO NA TO? ANO AYAW MO NA BA? PURO KA NALANG GANYAN AH! LAGI KANG WALANG ORAS!”
Hindi ito ang kwentong inaasahan mo. Ito ay hindi kwento ng dalawang mag kasintahan at kung paano sila nag hiwalay. Ito ay kwento ng buhay ng isang naturang “Student Leader”
“Mahal kita” ika ko
“Pero mas mahal mo sila” sagot niya
Oo, mas mahal ko sila. Nakakatuwang makita ang mga ngiti sa kanilang mga mukha, ang halakhak na kanilang ibinubuga, at mga magagandang salitang sinasambit ng bawat isa.
“Lagi ka nalang walang oras para sa akin”
Kalaban ang kalaban, kalaban ang sarili, kalaban ka, kalaban sila, kalaban ang oras. Ang kalaban na nag papahina sa aking mga tuhod, oras.
“Tapusin nalang natin to, sa susunod kung hindi mo kaya huwag mong gawin, at huwag kang pumasok sa relasyon na hindi mo kayang panindigan”
Masakit man, aking tatanggapin na hanggang dito nalang. Hindi dahil hindi kita mahal o hindi kita kayang panindigan, kung hindi dahil ako’y nangakong mag bibigay ngiti at mag seserbisyo para sa mga tao sa abot ng aking makakaya. Hindi ito o isang sumbat. Mahal kita at patuloy kitang mamahalin magwakas man ang namamagitan sa atin. Sabi ko naman saiyo noon pa, marami akong mga bagay na kailangang panindigan at alagaan.
Mahal ko, mawalan man ng liwanag ang araw at mawalan man ng kulay ang bahaghari ika’y patuloy kong mamahalin at hahanaphanapin.
Patuloy kong papatingkarin ang bahaghari at papayabungin ang mga rosas, para sa ikakasaya ng lahat kahit na ang kapalit man nito ay pagkawala ng mga bagay na makapagpapasaya sa akin.
Sa bawat pitik ng orasan, sa bawat ikot ng mundo, ang tanging iisipin ay ang kapakanan ninyo, at kung paano mapapatingkad ang bahagharing nagbibigay ngiti sa lahat.
Kapag naging maputla na ang bahaghari at napanat ang mga rosas, nawa’y inyong tatandaang ginawa namin ang lahat. Hindi para sa aming pansariling kapakanan, kung hindi para sa ikakasaya at sa kapakanan ng nakararami.