17/06/2026
ILLEGAL FUEL TRADE SUSPEK NAARESTO SA ORIENTAL MINDORO; ₱1.426M HALAGA NG PETROLYO NAKUMPISKA
PINAMALAYAN, Oriental Mindoro, Hunyo 16 — Naaresto ng mga awtoridad ang isang suspek at nakumpiska ang tinatayang ₱1.426 milyon halaga ng produktong petrolyo at kagamitan sa transportasyon sa operasyon laban sa ilegal na bentahan ng gasolina sa Barangay Santa Rita, Pinamalayan nitong Lunes, ayon kay MIMAROPA Police Director PBGen Christopher Dela Cruz.
Nakumpiska sa operasyon ang humigit‑kumulang 6,000 litro ng unleaded gasoline na nagkakahalaga ng ₱426,000, isang tanker truck na tinatayang ₱1 milyon ang halaga, at isang hose na umano’y ginagamit sa pagdiskarga ng gasolina.
Ayon sa pulisya, ang operasyon ay isinagawa sa ilalim ng Petroleum Regulations Act at Batas Pambansa Blg. 33, na inamyendahan ng Presidential Decree No. 1865, hinggil sa transportasyon at distribusyon ng produktong petrolyo nang walang kaukulang permit mula sa Department of Energy (DOE).
Hindi pa inilalantad ang pagkakakilanlan ng suspek habang inihahanda ang kasong isasampa. Ipinaalam sa kanya ang dahilan ng pagkakaaresto at ang kanyang konstitusyonal na karapatan bago dinala sa kustodiya para sa dokumentasyon at inquest proceedings.
Binigyang‑diin ni PBGen Dela Cruz na patuloy ang kampanya ng pulisya laban sa illegal fuel trade na nagdudulot ng panganib sa kaligtasan ng publiko at nakakaapekto sa lehitimong negosyo.
📸: PRO4B | via Jeff Caparas, ABS‑CBN News