25/02/2024
Sambayanan, Magkaisa sa EDSA!
Tatlumpu't walong taon na ang nakalipas mula noong naganap ang makasaysayang pagtitipon ng sambayanang Pilipino sa EDSA upang kolektibong patalsikin ang diktador na si Marcos Sr. Ngayon, ika-25 ng Pebrero, ay muling nagtipon ang iba't ibang sektor patungong EDSA People's Power Shrine upang kasabay ng paggunita ay higit na patambulin ang bitbit na panawagang .
Malinaw na walang katiting na pagbabago ang nangyari kundi panibagong porma lamang ng pasismo ang natamasa ng mamamayan sa kamay ni rehimeng Marcos Jr. Nariyan ang kaliwa't kanang mga anti-mamamayang polisiya na nais isulon alinsunod sa pansariling interes — Nangunguna na rito ang Charter Change o ChaCha na ang primaryang layunin ay baguhin ang konstitusyon upang maitalaga ang konsentrasyon ng kapangyarihan sa mga naghaharing-uri at kalaunan ay magiging daan upang mas gawing pribado, komersyalisado, at kontrolado ang sistema sa ating bansa.
Malinaw na sa nagdaang panahon ay sadlak pa rin sa kahirapan, pananamantala, at panunupil ang ating bansa, imbis na ibangon ang ating ekonomiya ay lalo pang dumausdos sa pagkakautang ang Pilipinas. Kaysa unahing lutasin ang mga suliraning pang-agrikultura o mababang pasahod sa bansa ay mas naaatim pang mangibang bansa at magsaya ng batugang si Marcos Jr. Tunay na baligtarin mo man ang Senior at Junior sa dulo ng Marcos, iisang porma pa rin ng tiraniya at pangmamasaker ang ginagawa nito sa mga mamamayan.
Tunay na wala tayong maasahan sa pamilyang traydor at naghihintay lamang sa biyayang ibabagsak ng taumbayan.
Kaya ngayon araw, sabay-sabay nating alalahanin ang kapangyarihan ng nagkakaisang mamamayan at ang mga martyr na nagsilbing daan tungo sa pansamantalang kalayaan. Ang EDSA ay hindi lamang istorya, ito ay nag-iwan ng malalim na ukit sa ating kasaysayan, 'singlalim ng sugat ng mga martir na nag-alay ng kanilang buhay. Ito ay patuloy na magsisilbing liwanag at aral sa bawat henerasyon na nasa kamay natin ang kinabukasan, at hindi ng mga taong nasa kapangyarihan.
Gising, bayan! Hindi tayo nalalayo sa ating nakaraan kaya't hamon sa atin na protektahan ang kalayaang ipinaglaban ng mga nauna sa atin. Kolektibo nating pabagsakin ang tambalang US-Marcos, ang makinaryang magpapaigting sa imperyalismo at higit na magpapahirap sa ating bayan.
Minsan na nating napatalsik ang mamamatay-tao na si Marcos Sr. at lakas loob natin itong muling magagawa sa alab ng ating kolektibong pakikibaka para sa tunay na demokratikong lipunan.