27/05/2025
Eunice (Yuni), 21 taong gulang, Estudyante mula sa Lungsod Quezon
“Simula noong pandemya, nagsimula akong humanap ng paraan para kahit papaano ay magkaroon ng kita. Gusto ko kasing makatulong sa pang-araw-araw naming gastusin,” saad niya habang bahagyang napapangiti, wari’y inaalala ang kanyang mga pinagdaanan.
Isang dalagang pursigidong makapagtapos ng kursong Nursing, si Eunice ay may simpleng pangarap—ang mapaangat ang kalagayan ng kanyang pamilya. Malinaw sa kanya na ang landas na tinatahak niya ay hindi madali, ngunit pinanghahawakan niya ang layunin at pangarap bilang kanyang inspirasyon.
Nang tanungin ko siya, “Saan mo nakikita ang sarili mo kapag nakapagtapos ka na?”
Agad siyang sumagot, “Kung tutuusin, plano kong makabawi sa Bansang Pilipinas. Kahit dalawa o tatlong taon lang, gusto kong maglingkod sa mga kababayan nating nangangailangan. Isa iyong paraan ng pasasalamat ko.”
Hindi maikakaila ang lalim ng kanyang pag-unawa sa propesyong pinili niya.
“Mahirap ang kursong Nursing,” aniya. “Hindi ito basta-basta, hindi lang siya praktikal. Oo, may trabaho kang mapapasukan pagkatapos, pero hindi dapat duon umiikot ang dahilan mo. Kailangan mo ng kumpasyon sa kapwa—yung tunay na malasakit, hindi lang basta pag-aalaga. Dapat may simpatya ka, dahil hindi lang ito trabaho. Isa itong sinumpaang tungkulin.”
Sa bawat salitang kanyang binibitawan, ramdam ang dedikasyon ni Eunice—hindi lang para sa kanyang pamilya, kundi para rin sa bayan. Isa siyang paalala na sa kabila ng kahirapan, may mga kabataang handang magsakripisyo at maglingkod, buo ang loob at may pusong handang tumulong.