17/03/2021
Inaunsiyo ni Cavite Governor Jonvic Remulla nitong Miyerkules na simula sa Biyernes, Marso 19, ay “No Tourism Zone” na ang pamosong Kaybiang Tunnel sa Ternate.
Ang desisyong ito ay inilabas ng lokal na pamahalaang panlalawigan dahil sa nagiging sanhi na ng mabigat na trapiko, kalat na basura at kamakailan lamang ay pagkakarambolan ng mga dayong riders.
“Marami ang nag-report sa aking tanggapan na ang Kaybiang Tunnel sa Mt. Pico de Loro ay nagiging sanhi ng traffic, basura, at umabot pa sa mga lokal na turista ang sila silang nagba-bardagulan doon,” saad ni Remulla.
“Buong magdamag ay libo-libong bisikleta, motorsiklo, at sasakyan ang nakaparada, kumakain, nagliliwaliw at lahat ay tumitigil para mag-selfie o mag-picture-taking doon. Ang resulta? Nonstop TRAFFIC at bottleneck mula entrance at exit ng tunnel,” pagpapatuloy pa niya.
Dahil dito ay ipatutupad na ang mga sumusunod na batasa sa naturang lugar:
1. NO PARKING in the vicinity of the Kaybiang Tunnel.
2. NO BIKE riders using the tunnel for leisure purposes.
3. NO EATING in the vicinity of the tunnel.
4. NO SELFIES in the vicinity of the tunnel.
5. NO LOITERING in the vicinity of the tunnel.
6. BAWAL ANG BUMUSINA sa loob ng tunnel.
Sa huli ay ipinaliwanag ni Remulla na hindi niya sana nais na maghigpit sa mga turista ngunit para rin ito sa kaayusan ng Kaybiang Tunnel.
“Hindi ko naman kagustuhan ang basagan ng trip. Ngunit responsibilidad ko din na siguraduhin na maayos ang counterflow ng traffic at maintenance ng law and order sa ating mga lansangan. Kaya mula Tanza, Naic, Maragondon at Ternate ay magkakaroon ng CHECKPOINT areas ang PNP.”
Source: Governor Jonvic Remulla
📷 Schadow1 Expeditions