16/04/2026
“Tara! Kain tayo.”
Ang mga katagang “Tara! Kain tayo.” ay hindi lang payak na pag-aya. Hindi lang ito basta paglabas ng salapi. Hindi nito layuning ipagmalaki ang anumang nakamit sa loob ng linggong nagdaan. Nais nitong magbigay puwang sa panandalian ngunit kinakailangang kalma.
Noong mga bata pa tayo, simple lang ang ating kaligayahan at mabilis lang tayong tumahan. Noon, hindi tayo makapaghintay na lumaki at magkaroon ng maraming kakilala, subalit hindi pala kailangang hintayin na mangyari iyon bago makamit ang tunay na kasiyahan. Ngayon, hindi na tayo mga paslit; gayunpaman, nangungulila tayo sa mga kaibigang nagpapaalala sa ating kamusmusan at sa ligaya ng pagkain ng taho at sorbetes.
Kaya ang mga salitang “Tara! Kain tayo,” “Tara! Kape tayo,” o “Tara! Labas tayo” ay hindi pagtakas. Ito ay tila pagbalik sa ating pagkabata, kung saan hindi pa komplikado ang ating kaligayahan at mabilis pa tayong tumahan.