18/04/2021
"Ang Liham ni Duke"
Hindi ko maiwasan sumulat para sa kanya
Ilang daang salita, ngunit iba ay walang tugma
Ipabatid sa marikit na taga bandang ilaya
Dilag, binibini, dalaga, hubog nitong isla
Pakiwari ko ngani hindi ito mapapansin
Ano baga ang laban ko sa taga bayanin
Ay ako lamang ito bulol pa mandin
Saglit daw, isang ngiti maski na alanganin.
Bawat hampas ng hangin sa iyong buhok
Kasabay ay puso ko di mapakali sa sulok
Para baga hinihigit papalapit
Hinihigop at sinasabik na mahawakan saglit
Narito nakatayo sa malayo, sa lilim ng punong niyog
Taranta na anya dibdib ko na kumakalabog
Ligalig ang mga paa, rindi sa ingay ng tugtog
Halika at isayaw, sabayan ang alon ng indayog
Sabi nila, ikaw daw ay pinaglihi sa araw
Sagot ko naman, gusto kita kahit matapos ang araw
Angat sa karamihan suot mo na blusang dilaw
Puti ang saya, mula dito lahat ay tanaw
Huwag ipagdamot ang biloy sa pisngi
Ako man hindi magasawa tignan pagsapit ng gabi
'Pag ata tumingin ka pwede na ko umuwi
Baon paguwi isang ngiti mula sa iyong pagbati
Hay, kailan ka kaya ulit makikita?
Kayumanggi na mga mata, kutis na porselana
Pwede baga mamaya, bukas o sa makalawa
Tirik ang araw ako ay pupunta kung nasaan ka
Palagay ko hahanapin ka kahit pa makalyo mga paa
Ngani pala, kalakip nito ay mga litrato
Pasensya na kung kinuhaan ka kahit walang permiso
Isipi mo sana at itago
Ilan dito nilagyan ko pa ng pabango
Hala sige na, masyado na atang mahaba
Siguro ika'y inaantok na sa pagbabasa
Matiim na lamang maghihintay kumbaga
Dito sa ilalim ng punong niyog, patuloy at aasa
Iintayin kita, Marin.
----------
📌In Frame: Ms. Megan Bratton
📍Location: Lupac, Boac, Marinduque
----------