12/06/2026
sa milya-milyang nilakbay na may lubak-lubak, sa libo-libong inihimlay dahil nanindigan na siyang isinilid sa lupaʼt itim na balot at parihabang kwadradoʼt sa ilalim ng ating binibisitaʼt hindi na muling binalikan. sa mga tinig na pinaos, sa mga tumindig na inilumpo, sa mga lumaban na tinalo sa ‘di makatarungang taktika, nakatitiyak ka bang tayoʼy may kasarinlan?
hindi nila hinayaan na masaksihan ang pagsinag ng araw at ang paglubog nito, hindi na nila binigyang pagkakataon na maranasang maging malaya, oo nga pala, muntik ko ng makalimutan na nakakulong pa rin tayoʼt hinihimas ang tanikalang nagbibihis bakal.
naabot na nga ba natin ang inaasam? o huminto lamang tayo sa isang istasyon upang maunawaan na magpahinga na muna dahil hindi pa rin natin naaaninag ang hagdan na patungo rito? o huminto lamang tayo sa isang istasyon, na kung saan gagamutin ang mga kaluluwang nagdadalamhati dahil pinagkakaitan? o pinalalasap lamang sa atin na malabo pa rin itong makamtan?
nakita na ba ang bahaghari pagkatapos ng unos o pansamantalang tumila lamang dahil may mas matinding paparating? sikat nga ba ng araw ang tumama sa ating mga pisngi o isang hudyat?
nawaʼy huwag tumigil sa pakikibaka na maghayag ng sariliʼt katotohanan, ‘wag sayangin ang sinimulang yugto ng ating mga bayani, ng mga nagbuwis buhay upang umabot tayo rito. huwag hayaang ilihis tayo sa reyalidad at itatak sa ating mga isipan na tayoʼy tuluyang malaya, dahil ikaw mismo ang makapagsasabi na hindi pa talaga.
⸙͎ang tunay na kasarinlan ay nasa isipan|panulaang prosa
⸙͎isinulat noong hunyo onse ng taong dalawáng libó’t dalawáng pû’t dalawa.
⸙͎nailathala sa aking iba’t ibang akawnt at pahina.
⸙͎muling susulat, tintaʼy dadanak.
⸙͎ang maliliit na titik ay sadya.
⸙͎ang larawan ay mula sa: deviant(.)art(.)com|pinterest