31/12/2025
Mas mahirap lumikha nitong mga nakaraang buwan, parang mas mahirap ding magsanib ang bawat sandali sa isang pagkuha ng isang litrato. Puno ng mga kwento at detalye, nagiging mahirap itong itala. Ang dami kong nakikita, kaya mas dumarami rin ang mga eksena na gusto kong makuha. Sa kabila ng lahat, parang palaging hindi sapat ang oras. Natutuklasan ko na mas marami pa palang detalye ang dapat pagtuunan ng pansin.
Hindi ko pa rin masabi kung anong klaseng tagakuha ako, at kung paano ko matutukoy ang pagkakaiba ng mga litrato. Sa nakalipas na taon marami akong natutunan na teknik o bagong pananaw. Ang bawat litrato ay isang paglalakbay sa sarili, at tulad ng buhay ko, patuloy itong nagbabago, hindi mo alam kung anong magiging itsura kapag natapos. Mahirap magplano ng eksena, lalo pa at laging may nagaganap sa paligid na hindi ko kayang kontrolin. Hindi ko tiyak kung saan patungo ang mga paa ko sa pagkuha ng perfect shot. Mabilis lumipas ang mga oras pero kung may isang bagay na hindi ko kayang itago sa bawat kuha, iyon ay ang mga hindi masukat na sandali ng pagmamahal.
Sa mga taong tumangkilik sa aking serbisyo, sa mga nagtiwala na ipahawak sa akin ang kanilang mga alaala, maraming salamat. Sa bawat paanyaya, bawat pag ngiti sa harap ng lente, bawat sandaling ipinahiram ninyo sa akin, naging mas malinaw ang dahilan kung bakit ako patuloy na kumukuha.
At sa mga nagbigay ng kritika mapagkalinga man o mahigpit salamat din. Ang inyong mga mata ang nagturo sa akin ng mga bagay na hindi ko agad nakita, ang puwang, ang labis, ang kulang. Dahil sa inyo, natutunan kong hindi tapos ang isang litrato kapag nakuha na ito, nagsisimula pa lamang itong umunlad.
Patuloy akong natututo. Patuloy akong kumikilos. At habang may liwanag, kahit mahina, kahit paputol-putol, magpapatuloy akong kumuha, hindi para hulihin ang oras, kundi para makasabay dito. Sana masamahan niyo pa rin ako. Maraming salamat.