24/05/2026
+Privilegium+
Nang kinagabihan ay nagpakasasa na lamang ako sa paglalaro. Warzone. Magdamag idinownload kahapon, napuyat pa ako sa kakahintay matapos. Habang naglalaro'y naaaliw rin ako sa kape. Nakaboteng binili sa may Alfamart. Makakatulog pa ba ako nito? Nakakaubos ng buhay ang nakakabinging putukan sa COD. Hindi naman malakas ang volume pero masakit na sa tenga ang pang-apat na sesyon sa BR. Mas gusto ko yung solo.
Matapos kong manawa sa kakalaro ay ninais ko nang matulog. Malakas ata ang epekto ng kape, ayaw na akong patulugin. Dahil 'di pa inantok ay inasikaso ko muna ang takdang-parte ko sa aming report.
Hinalungkat sa drive yung mga kuha kong tinatantya kung maaari bang gamitin. Gumawa ng bagong folder at doon inilipat lahat ng potensyal na mga litrato. Bukas o sa susunod ko na lang isasaayos sa mismong docs. Sa totoo lang, nasasayangan ako sa aming project. Opportunity ko na rin sana kasi matuto doon, kaso sa iba pinagawa yung task. Sayang.
Matapos ko ngang maipon ang mga larawan ay 'di pa rin nakakaramdam ng antok. Dati, kapag ganitong hatinggabi at 'di ako makatulog ay nais ko na lamang lumabas, at dahil may sasakyan naman at marunong mag-drive ay baka pwede nga. Matagal ko na naiisip 'to pero ngayong gabi, makalabas nga. Sa'n kaya ako nito pupunta? Pa-Tanza, Naic... Maragondon? Hindi pa pwedeng Manila. 'Di ko pa kabisado. Amadeo? Sige, Tagaytay na lang! Anong oras na ba? Alas-tres. Aabutin ko kaya ang bukang-liwayway nito...
Nagpalit ng damit, dala ang jacket kung sakaling lamigin. Nais ko ring kumuha ng litrato, yung cinematic. Tarangkahan, mga sasakyang nakabantay habang isang ilaw lang sa poste ang nagpapaliwanag. Basta magdadala ako ng tripod, para kaya ang long-exposure. Kakaba-kaba pang kinuha ang susi katabi ng wallet ni Itay. Dahan-dahang binuksan ang pinto, parang magnanakaw, paalis na ng bahay bitbit ang ninanakaw na sandali.
Naiiihi ako, sa pader doon ko itinutok. Lilingon-lingon pa't baka may gising na. Tapos, pagkasindi ng sasakyan at mga ilaw, napansin kong malabo ang windshield sa harap at likod. Edi, defogging muna with AC. Sandali pa'y luminaw na at nagpatuloy na ako. Sa wakas, nagawa ko na rin ang matagal ko nang binabalak gawin. Magmaneho sa madaling araw habang nakikinig lang ng katamtamang tugtog. Low beam, high beam. Pitik ng high beam sa tuwing may makakasalubong na naka-high beam. Nakakasilaw. Mabagal lang din takbo ko, 'di naman ako nagmamadali. Maluwag ang kalsada. Nasa inner lane ako. Sinisignal-an ko na lang yung mga nasa likod na mauna na sila, sabay tabi sa outer lane kung kinakailangan.
May mga bukas pang kainan na nadadaanan. Excited pa ako papunta kaya 'di pa rin talaga inaantok. Ayun, nakaabot ako ng 7-Eleven sa Tagaytay. Doon ako huminto't nag-park. Naglilinis ng mga mesa at upuan sa labas ang dalawang cashier habang wala pang customer sa loob. Pinagpahinga ko muna saglit ang sasakyan bago patayin. Sandali pa'y pumasok ako sa loob ng 7-Eleven upang bumili ng kape. Sa isip ko na naman, pang-ilang kape ko na 'to sa isang araw? Brewed coffee, small lang. Tsaka isang tinapay, yung may triple grilled cheese na pinainit sa oven. Nakailang ulit pa si Ateng cashier dahil papatay-patay ang kanilang machine.
Nung una, sa labas lang ako nakatayo, basa pa mga upuan. Napansin ko yung katabing sasakyan, may natutulog sa loob. Nakabukas ng kaunti yung kanyang mga bintana, nagkaroon din ako ng ideya. Edi, pumasok din ako sa loob ng sasakyan, binaba ang lahat ng bintana nang kaunti para may circulation pa rin. Ini-adjust ang angle ng upuan, halos pahiga. Doon lang ako, kumain at uminom ng kape, habang pinagmamasdan ang pagdating at pag-alis ng mga customer.
Nung matagal na walang customer at nagpapahinga siguro sa likod ang mga cashier, ay biglang may isang lalaki na pumasok, parang tuliro. Lumabas siya matapos datnan ang loob ng 7-Eleven na walang cashier sa counter. Umikot pa siya sa loob para silipin kung nasa'n ang cashier. Pagkalabas at dadaan sa tabi ng sasakyan ay malakas kong sinabihan na meron pong bantay sa loob, nandoon lang po siguro sa likod, sabi ko. Bumalik ulit siya sa loob ng 7-Eleven at lumabas na nga si Ateng cashier. Pansin kong parang c*nd*m ata yung binunot ni Kuya na nakadisplay lang sa may counter. Kaya siguro 'di mapakali, excited. Umalis na si manong.
Sandali nama'y naisip ko nang umuwi. Pinaandar ang sasakyan at dahan-dahang nagmaniobra paatras. Pabalik ay may bukang-liwayway na akong naaaninag. Sinasabayan pa ulit ng tugtog na sakto lang. Dahil palusong pabalik ay dahan-dahan lang din ako sa accelerator. Madalas, halos nakalapat lang din at nag-aabang ang aking paa sa preno. Maluwag pa rin naman, may mga napapansin lang akong nagtitinda ng mga pandesal sa gilid-gilid, yung mga naka-mobile.
Sa sobrang chill, naka-idlip ako ng tatlo o apat na segundo ata. Medyo nasa gitna na ako ng kalsada pagkamulat. Mabuti na lang at walang nakasalubong na sasakyan! Agad kong nilagok yung natirang kape na inuwi ko. Hindi ako maaaring makatulog sa pagmamaneho.
Medyo maliwanag na nung makarating ako. Pansin kong gising na rin ang ibang kapitbahay at naghahanda na rin sa kanilang pagpasok. Naisip ko pang isaayos ang postura ng sasakyan kung paano ko siya nadatnan bago gamitin, mga anik-anik ay binalik, at inayos ang upuan base sa dati nitong sukat. Tsaka dahan-dahan ko ulit binuksan ang pinto, pumasok at ibinalik ang susi sa tabi ng wallet. Mahimbing pa rin ang tulog ni Itay, pagod kasi sa pamamasada kahapon. Sa wakas ako'y inaantok na rin, salamat dahil may mahihigaan ang aking katawang lupa.